“The right of the people, including those employed in the public and private sectors, to form unions, associations, or societies for purposes not contrary to law shall not be abridged.”
Lahat may karapatang magtatag ng sariling samahan, grupo or organisasyon. Samahan ng mga manginginom, car enthusiast , o samahan ng mga jejemon, kahit ano pwede, basta hindi kayo gagawa ng labag sa batas. Garantiya ‘yan ng ating Konstitution.
Pero para maging isang legitimate labor organization, kailangan iparehistro muna ito sa Department of Labor and Employment. May dalawang paraan para mabigyan ng certificate of registration sa DOLE:
1) magtayo ng independent labor organization na may bilang ng miyembrong humigit 20% na kinakatawang empleyado o tinatawag na bargaining unit.
2) mag-apply bilang isang chapter ng isang national o federal union na rehistrado sa DOLE.
Mas madali ang pangalawang paraan, short cut ika nga. Kahit kasi hindi umabot ang bilang ng miyembro ng 20% ng bargaining unit, ok lang.
At syempre malaki ang maitutulong ng isang national o federal union sa bagong labor organization na itatayo. Bibigyan kayo ng sapat na kaalaman, training at participants sa welga. (Bakit sa tingin mo ba lahat ng nasa welga talagang empleyado ng kumpanya?)
Rights of Legitimate Labor Organizations
Tulad ng sabi ko, karapatan ng bawat isa na magtayo ng samahang o grupo ng mga manggagawa. Pero mas maganda kung rehistrado upang magkaroon ng “juridical personality.”
Kapag may juridical personality ang isang grupo, para na rin itong isang tao (natural person) o korporasyon, tulad ng karapatang mag may-ari ng ari-arian at karapatang magdemanda at idemanda gamit ang kanyang pangalan.
Pero ang pinaka-importanteng karapatan ng lehitimong labor organization ay ang karapatang ikatawan ang mga empleyado sa collective bargaining.
Ano ang CBA?
Isa sa malaking dahilan sa pagtatayo ng samahang manggagawa ay para lumaki ang sweldo at gumanda ang benepisyo ng mga empleyado.
Tulad ng naunang sabi ko, dahil hindi sapat ang labor standard na binibigay sa karaniwang empleyado tulad ng minimum wage, kailangan itong hingin sa kumpanya.
Dito papasok ang collective bargaining.
At kapag nagkasundo na ang manggagawa at kumpanya, ang kasunduan o kontrata ay tinatawag na collective bargaining agreement o CBA.
(For purposes of collective bargaining; bawal magtatag, sumali o tumulong sa labor union ang mga managerial at confidential employees.)
Duty to Bargain
Meron ka nang legitimate labor organization o kinilala ka nang chapter ng isang national o federal union ano ang susunod mong gagawin?
Parang isang anak na biglang lalapit at hihingi ng increase ng baon sa tatay habang nagbabasa ng diyaryo sa agahan, ay bubulagain mo ang management ng isang sulat na nagsasaad na kayo ang kinatawan ng mga manggagawa ng kumpanya, at hinihiling ninyo na pumasok ang management sa isang collective bargaining upang pag-usapan ang umento sa sahod at benepisyo.
Hindi pwedeng ibalewala ng management ang demand ng labor union na makipag collective bargaining dahil ito ay isang “duty” ayon sa Labor Code. At kung hindi, maaring kasuhan ng Unfair Labor Practice ang nagpapatakbo ng kumpanya at ito’y may parusang kulong.
Certification Election
Kung ikaw naman ang nasa HR department o nagpapatakbo ng kumpanya, ano ang una mong gagawin?
Syempre aalamin mo muna kung talagang kumakatawan sa karamihan ng manggagawa ang labor union na nagde-demand ng collective baragaining.
Malay mo, sampung makukulit na empleyado lang pala ang miyembro ng labor union na nagde-demand ng collective bargaining.
Kaya para magkaalaman, maghahain ang management ng petition sa DOLE para sa certification election.
Sa certification election ay pagbobotohan ng mga empleyado na sakop ng bargaining unit kung gusto nilang kumatawan ang labor union sa collective bargaining o hindi. Majority vote lang ang kailangan.
Kung talo sa botohan ang labor organization, ibig sabihin lang ay ayaw ng mga empleyado sa makukulit na labor union. Kaya wala ring collective bargaining at balik na sila sa kanilang pang-araw-araw na buhay dahil kuntento sa sila sa minimum wage.
Pero kung nanalo ang labor union sa certification election ay aasa silang matutugunan ang pagtaas ng kanilang sahod at benepisyo. ‘Yan ay kung magiging tagumpay ang collective bargaining.
Ang tanong, papano kung magmatigas ang management at ayaw magbigay ng kahit isang kusing na umento sa sahod at benepisyo ng manggagawa?
Diyan papasok at strike at lockouts.
Ang strike ang sandata ng manggagawa, at lockouts naman ang option ng management.
Susunod…
—————-
“Workers of the world unite; you have nothing to lose but your chains.” –Karl Marx