“DUMAAN KA MUNA SA AGENCY,” ‘yan ang sabi ng mga tauhan ng kumpanyang papasukan mo. Para kang langaw na tinataboy at daig mo pa ang may ketong kung paalisin ka sa kanilang opisina. Pagdating mo sa agency ay binigay mo ang lahat ng pangangailangan at pinabayaran sa’yo ang kung anu-ano, na wala namang resibo at halatang ginagatasan ka lang.
Ganon talaga, alam nilang kailangan mo ng trabaho kaya hindi ka maka-reklamo. Matapos ng mahabang pila nang buong araw ay awa ng Diyos, natanggap ka rin.
Unang araw mo sa trabaho ay pina-deretso ka sa kumpanyang una mong pinuntahan. Inuutusan ka ng mga opisyales ng kumpanya, at ginagawa mo ang trabahong ginagawa rin ng mga regular na empleyado doon. Ang pinagkaiba lang ay may ID sila ng kumpanya, yung sa’yo ID ng agency.
E mas marami pa nga kung tutuusin ang trabaho mo sa mga taga-kumpanya dahil halatang hindi sila dinadapuan ng pawis, samantalang ikaw ay tumatagaktak na ang pawis mo sa pagod; at buti na lang ay nag-deodorant ka, kung ‘di malamang ay nahilo na ang mga kasama mo.
Labas pasok ka sa workplace at hindi ka rin pinagbabawalang gumamit ng mga materyales at makinarya ng kumpanya. ‘Pag nagkamali ka ay sermon ang inaabot mo sa mga taga-kumpanya at tinuturuaan ka ng tamang paraan.
Ngunit, matapos ng kinsenas ay minimum wage lang ang natanggap mo. Samantalang nakita mo ang pakalat-kalat na payslip ng mga regular na empleyado ng kumpanya at halos doble ang kinita nila sayo. Nalaman mo rin na kinaltasan pa pala ng agency ang kakarampot mong sahod.
Pumunta ka sa human resource department ng kumpanya upang magtanong, ngunit sigaw ang sumambulat sayo:
“E hindi ka naman namin empleyado! Ang dami mong reklamo! Bukas bumalik ka sa agency at ‘wag mo na pakita ang mukha mo dito dahil sesante ka na!”
“Nais ko lang naman pong linawin,” paliwanag mo.
“Linawin mo ang mukha mo! Umalis ka sa harap ko at busy ako!” Pairitang sagot.
Nakita mo na naglalaro lang naman ng Farmville sa Facebook ang kupal at umalis ka narin baka masakal mo pa siya.
Ngunit tinotoo niya ang banta. Dahil kinabukasan, ay hindi ka na pinapasok ng gwardiya sa kumpanya. Pumunta ka sa NLRC at nagreklamo. Hindi ka na nagulat sa depensa ng kumpanya, hindi ka daw nila empleyado kung ‘di ng agency.
Ang tanong, tama ba ‘to? Paano mo malalaman kung sino ang tunay mong amo?
Makinig ka. Or in this case, magbasa ka.
JOB CONTRACTING
Bago ko talakayin kung sino ang tunay na amo ng pobreng manggagawa, nais ko muna ipaliwanag sa inyo ang job contracting.
Ang job contracting ay kung saan ang isang kumpanya ay ipapatrabaho sa iba ang isang aspeto ng kanilang operasyon tulad ng produksyon. Imbes na gumawa siya ng sariling produkto gamit ang kanyang mga trabahador at makinarya, ay ipapasa na lang ito sa isang contractor na may sapat na kakayahan at makinarya upang gumawa ng produkto. Babayaran naman ng kumpanya ang contractor base sa bilang ng produktong nagawa.
Hindi na rin makiki-alam ang kumpanya kung paano gagawin ng contractor ang produkto basta sundan lang ng contractor ang specifications ng produktong pinapagawa. Sa simpleng salita, may paki-alam lang ang kumpanya sa resulta ng trabahong pinakontrata nila.
Mas makakamura nga naman ang kumpanya ‘pag ganito. Walang hassle. Imbes na gumastos sa sariling makinarya ang kumuha ng sariling trabahador ay o-order na lang sila sa contractor.
Ang job contracting ay maari rin gawin sa ibang aspeto ng operasyon ng kumpanya tulad ng distribusyon, marketing at retailing ng produkto.
Hindi bawal ang job contracting. Ito ay karapatan ng kumpanya at kasama sa kanilang “management prerogatives”.
Ang bawal sa batas ay ang labor-only contracting.
LABOR-ONLY CONTRACTING
Ang labor-only contracting ay kung saan ang “contractor” (kuno) ay wala namang sapat na capital o investments para gawin ang trabahong pinapakontrata ng kumpanya. Bukod doon ang “contractor” ay walang kontrol sa trabahong gagawin ng kanyang mga tauhan.
In short, isa lang siyang middleman. Sa middleman lang pinapadaan ang sweldo ng manggagawa para kunwari sabihin na siya ang amo ng mga tauhan niya at hindi ang kumpanya.
Bakit ba nila ginagawa ito?
Kasi kapag inako ng kumpanya ang mga tauhan ng middleman bilang sariling empleyado ay mapapagastos ang kumpanya ng husto.
Una, kapag naging empleyado nila yan, hindi nila ito basta-basta masisipa palabas kasi meron na silang security of tenure.
Pangalawa, dapat ay i-pantay nila ang sweldo nito sa mga regular na empleyado kasama na ang mga benipisyo tinatamasa ng mga regular.
At pangatlo, dagdag trabaho pa ang pag-remit ng mga buwis, sss, pag-ibig at philheatlh ng manggagawa.
So para makaiwas sa mga ito, ay kukuha na lang sila ng isang middleman at papadaanin nila lahat ng manggagawa dito. Diba ayos? Ang laking tipid!
EMPLOYER-EMPLOYEE RELATIONSHIP
Sa kasong nabanggit, ang ahensiya ng pobreng manggagawa ay isa lamang middleman na gumagawa ng labor-only contracting.
May apat kasing paraan (four-fold test) para malaman kung may employer-employee relationship:
(1) Sino ang pumipili at tumanggap sa employado (the selection and engagement of the employee)?
(2) Sino ang nagpapa-sweldo (the payment of wages)?
(3) Sino ang may kapangyarihang magsesante (the power of dismissal)?
(4) At ang pinaka-importante, sino ang may kontrol sa empleyado (power of control).
Ipagpalagay na natin na ang ahensiya ang pumili, nagpapa-sweldo at nagsesante sa pobreng manggagawa. Ngunit, datapwat, subalit, nakanino talaga ang kontrol?
Maalalang inuutusan ng mga opisyal ng kumpanya ang manggagawa ng ahensiya. Bukod doon ay sinesermunan at tinuturuan siya ng mga opisyal ng kumpanya sa tamang paraan sa paggawa ng trabaho. Sa totoo nga, ay ID lang ang pinagkaiba niya sa regular na empleyado dahil halos pareha sila ng ginagawa. Kaya kitang-kita ang kontrol ay nasa kumpanya at hindi sa ahensiya.
Bukod doon ay mga makinarya ng kumpanya ang ginagamit sa produksyon dahil wala namang sapat na capital ang ahensiya upang gawing ang pinapakontrata ng kumpanya.
Malamang ay ayaw lang gumastos ang kumpanya kaya’t nag-setup sila ng ganitong scheme sa ahensiya para baratin ang mga manggagawa. Nothing personal, just business, sabi nila.
Kaya sa kasong ito, ang manggagawa ng ahensiya ay isang regular na empleyado ng kumpanya. At dahil sa tinanggal siya ng kumpanya ng walang dahilan, isang itong kaso ng illegal dismissal. Bukod doon, dapat ay ibigay sa kanya ang tamang sweldo at benepisyo ng isang regular na empleyado ng kumpanya.
Ganito ba ang kaso mo? Kung oo, ay pumunta sa malapit na NLRC at mag-file ng kaso for regularization. Walang mawawala, kundi ang pang-aabuso sa iyo.
Teka lang, hindi ito ang tinatawag na contractual workers, iba pa ‘yun. Sa susunod na post na lang.
Kaya hanggang dito na lang muna at maghuhugas pa ako ng pinggan.
———————-
“No business which depends for existence on paying less than living wages to its workers has any right to continue in this country” - Franklin D. Roosevelt
Sources: Labor Code of the Philippines Article 106, DOLE Department Order No. 18-02, Coca-cola Bottlers Philippines, Inc.,vs. Ricky R. Dela Cruz, et al, G.R. No. 184977, December 7, 2009.